ang hindi lumingon

Sabi nila, marami daw ang nakakalimot lumingon sa kanilang pinanggalingan. Hindi ko minsan naisip na mangyayari to sa kin.

Parang kahapon lang ng ako’y nasa Sibuyan kasama si Lola, umiigib ng tubig sa poso, nagtatampisaw sa ilog at dagat, nagtatabi tabi po sa mga kulipaw at nagbibilang ng mga huni ng kuliglig pagdating ng gabi dahil walang ingay ng mga de kuryenteng gamit sa paligid.

Naalala ko pa na pinapapasok namin ni Lolo ang mga manok sa ilalim ng aming bahay kubo tuwing hapon at ginigising kami ng mga tilaok nito pagdating ng umaga. Pag tanghali naman ay sinusubukan naming sungkitin ang mga lomboy, mangga, at tambis sa aming puno para meron kaming imimiryenda.

Ang simple ng buhay noon, walang kailangan pag aralan kundi ang paglipas ng panahon at pag iwas sa mga bagyong sasalanta sa aming taniman. Kung suswertihin ay may malalaking isda o lambay na ilalako sa aming bakod at papalitan ang mga ito ni Lola ng isang salop na bigas o ng ilang niyog at saging.

Maliit din ang mundo noon, lahat ng tao sa paligid ay pamangkin ng kapatid ng apo ng tatay ng pinsan ni kuwan. Lahat ng tao ay kamag anak, mabait at mapagkakatiwalaan.

Hindi ko alam kung kelan ko unang napansin na nagbago ang ikot ng mundo, kung kelan naging kumplekado ang lahat, kung kelan biglang lahat ng bagay ay natutumbasan ng pera, kung kailan nawala ang pagtitiwala ng mga tao sa isa’t isa.

Siguro nagsimula  ito ng tumigil sa paghuni ang mga kuliglig na natabunan ng tunog ng mga radyo at telebisyon sa kanto. Malamang kasabay nito ang pagkawala ng mga kulipaw at mga puno sa paligid ng dati naming kubo. Isa isa na ring nawala ang mga pinsan ng tatay ng apo ng kapatid ng pamangkin ni kuwan. Baka nagpa syudad na sila o nangibang bansa at iniwan ang sariling bayan.

Noong isang araw ay napanaginipan ko si Lola, nakangiti sya ng sabihin kong sasakay ako ng eroplano at tatawid ng langit para dalhan sya ng malalaking tsokolate at mansanas. “Ay sarawayon ka gid”, ang sabi nya, “ano imong ginahambal, wara na gani ko’y ngipon, anhun pa naku ang mansanas, wa na kadulot! Ayaw na pagkadto”, sabay tawa at kurot sa aking tuhod.

Hindi ko alam kung bakit ako aalis pero kailangan. Minsan kapag bumukas ang pinto, dapat itong puntahan para malaman kung ano ang nasa kabilang dulo. Maaring masaktan, magkamali, madapa, masugatan, pero hindi ito ang pinaka nakakatakot na pwedeng mangyari sa buhay. Mas nakakatakot mabuhay ng parating nagtatanong ng kung ano kaya sana.

Sabi nila, marami daw ang nakakalimot lumingon sa kanilang pinanggalingan. Sa tingin ko, hindi ito mangyayari sa kin

23 minuto makalipas ang ika-4 ng umaga, ika-2 ng Hulyo, 2013

tagalog monolog

mahal ko sya
pero ewan ko lang
baka hindi ko sya mahal
baka gusto ko lang syang kausap
kasi masaya syang kausap
nakakatuwa
para bang walang problema sa mundo
parang parating puno ang wallet ko
parang di ako nilalagnat pag gabi
parang matataas ang grades ko
parang malaki ang sweldo ko
parang ewan ko ba
mahal ko yata sya
o baka naman hindi ko sya mahal
siguro gusto ko lang syang kasama
masaya kasi syang kasama
para kong lumilipad
parang kaya kong lutasin lahat ng problema
parang mabubuhay na ko kahit titigan ko lang sya
parang di ko na kailangang kumain
matulog, huminga…
siguro nga mahal ko sya
pero.. paano kung hindi ko pala sya mahal?
gusto ko lang siguro syang yakapin
masarap kasi syang yakapin,
tumatalon ang puso ko
nalilimutan kong wala pa kong hapunan
at na marami pa kong utang
o na galit na ang boss ko dahil parati akong late
dahil di ako makatulog kakaisip sa kanya
kakaisip kung nasaan sya
kung kumusta na sya
kumain na kaya sya? may iba kaya syang kayakap?
sino kaya katabi nya?
tulog na ba sya? o baka naman may tinatrabaho pa..
ewan, mahal ko nga ba sya?
hindi ko naman yata sya mahal.
gusto ko lang syang katabing matulog
masarap kasi syang katabi matulog
meron akong tandayan at kayakap,
at parang mabibilang ko lahat ng bituwin sa langit
kahit may bubong ang bahay namin,
nararamdaman kong ligtas ako
yun bang hindi ako tatamaan ng ligaw na bala
pag bagong taon, o ng kidlat pag umuulan
naiisip ko rin na parang swerte ako
yun bang nanalo ng isang daang milyon sa lotto
o ng bagong t.v. sa raffle sa christmas party
mahal ko nga sya!
hindi, hindi totoong mahal ko sya
gusto ko lang na nasa mabuti sya
na masaya sya kahit iba ang kasama nya
na ok lang sa kin na di nya ko mahalin
na ayaw nya kong kausap, kasama,
kayakap, katabing matulog
hindi!
hindi ko sya mahal.,
gusto ko lang ligtas sya
at hindi pinapaiyak ng kung sino sino
gusto ko mahalin sya nung minamahal nya
at na sana lumigaya sya kahit kapiling ng iba
hindi ko naman sya mahal di ba?
handa lang akong ialay ang buhay ko sa kanya
yung pag sinabi nyang talon sa tulay,
tatalon ako talaga,
at kung sabihin nyang ayaw na nya kong makita
at may iba na syang mahal,
kaya kong yumuko, lumayo
lumakad ng dahan dahan at wag lumingon
kasi nga mahal ko sya,
ano ba! ang kulit ko naman
kasi nga di ko sya mahal
hindi ko sya mahal
hindi nga..

07.30.2003.04.48.p.m. 

***Update 05/13/2014***
Almost 11 years have passed since I wrote this piece and I am overwhelmed that a lot of people are still reading it and were able to relate to what I felt back then. To show gratitude to all kindred souls who appreciated this post and kept this alive, I will be doing a giveaway, check out details on my instagram @poeticnook

Maraming salamat po!